REVIEW - Interregnum by Mixkaela Villalon

Sinimulan ni Villalon ang koleksyon sa pagpapakahulugan.

Interregnum, (pangalan)

Kapanahunan kung kailan pansamantalang
nakatigil ang karaniwang gobyerno,
bago magsimula ang susunod na rehimen

puwang o pahinga sa pagitan ng dalawang
kapanahunan, madalas pagkatapos mamatay
ng isang hari, bago koronahan ang susunod

panahon ng kawalang-katiyakan,
kamamatay ng lumang kaayusan
pero hindi pa ipinapanganak ang bago

Kapag gusto mong aralin ang isang bahagi ng kasaysayan, ang sabi paglaanan din ng atensyon ang sining na nailabas noong panahong iyon. (May ilalabas akong timeline soon!)

Isa ang Interregnum sa mga akdang nailabas noong pandemya. Noong panahong akala natin isa o dalawang linggo lang ang aabutin ng ECQ hanggang sa nagkaroon na ng iba't ibang pangalan ng quarantine, hanggang sa umabot na ng 2023. Walang kasiguraduhan ang lahat; huminto ang komersyo, pati ang paghinga ng mga kababayan nating kung hindi dahil sa kumplikasyon sa baga e dahil sa gutom.

May ganitong bigat ang panimula pero sa mga kwento sa koleksyon, idadaanan ka sa mala-pambatang alamat at katatawanan habang binabaybay ang mga obserbasyon at bersyon Pilipinas ni Villalon. Hindi nakasentro sa pandemya ang mga kwento kundi sa mga panahong walang katiyakan o dapat nang baguhin ang kasalukuyang "kaayusan". Walang hirap sa kanyang pagaanin ang pagkukwento pero alam mong may konting suntok sa tagiliran pagkatapos.

Short Stories Ranked:

  1. Gitnang Araw
  2. Ang Biyuda Sa Pilapil
  3. Ang Nawawalang Lungsod ng Atlantis
  4. Ang Torre
  5. Pangulong Paquito

Isa sa mga tagumpay ng koleksyon na ito ang pagiging isa sa mga ebidensyang may Speculative Fiction sa Pilipinas, at pagpapatotoong hindi lahat ng sinasabi ng literature prof mo ay tama.